Hindi kinatigan ng Sandiganbayan ang motion for reconsideration ni dating Senador Bong Revilla para alisin si Associate Justice Karl Miranda sa paghawak sa kaniyang ₱92.8 million malversation case.
Ayon sa Sandiganbayan Third Division, walang merito ang kahilingan dahil walang bagong ebidensyang iniharap ang kampo ni Revilla na magpapatunay na may kinikilingan ang mahistrado.
Binigyang-diin ng korte na hindi sapat ang pananaw ng akusado lamang upang patunayang may pagkiling ang isang mahistrado.
Matatandaang si Justice Miranda ang nag-iisang mahistrado sa dibisyon na tumutol sa kahilingan ni Revilla na makapagpiyansa.