Itinutulak ng National Unity Party o NUP na magkaroon ng malinaw at objective na guidelines sa paglalabas ng Local Government Support Fund o LGSF.
Ayon kay NUP Chair at Antipolo Rep. Ronaldo Puno, dapat nakabatay sa malinaw na formula ang alokasyon ng LGSF, kabilang ang populasyon, antas ng kahirapan, fiscal capacity, infrastructure gaps, at access sa basic services.
Nais din ng partido na maging transparent ang proseso upang hindi maging arbitraryo ang pagtukoy kung aling mga lokal na pamahalaan ang makatatanggap ng pondo.
Iminumungkahi rin ng NUP na matapos ang DBM verification, awtomatiko, at direktang mailabas ang pondo sa mga kwalipikadong LGU nang hindi na kailangan ng karagdagang endorsement o approval mula sa national officials.
Ani Puno, mahalagang magkaroon ng permanenteng standards sa LGSF sa halip na nakabatay lamang sa mga policy o circular na maaaring baguhin taon-taon.
Samantala, sinabi ni Puno na wala siyang nakikitang direktang pakikialam ng Pangulo sa pamamahagi ng LGSF, at hindi aniya ito ginagawa sa pamamagitan ng political maneuvering.