Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya laban sa mga indibidwal na gumagamit ng uniporme ng mga delivery at motorcycle taxi rider para manloko at gumawa ng krimen ngayong papalapit ang holiday season.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., karaniwang tumataas ang street at petty crimes habang dumarami ang tao sa mga mall, terminal at pamilihan.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., inatasan ni Nartatez ang mga commander na dagdagan ang presensya ng mga pulis sa mga mataong lugar at agad rumesponde sa mga reklamo laban sa mga kahina-hinalang rider.
Makikipag-ugnayan din ang PNP sa mga ride-hailing company at organisasyon ng mga rider para mapigilan ang hindi awtorisadong paggamit ng uniporme at delivery box.
Hinimok naman ang publiko na agad i-report sa PNP ang sinumang hinihinalang nagpapanggap na rider.