Nanawagan ang National Unity Party o NUP na itigil ang umano’y pag-ipit sa government assistance bilang paraan ng pagpaparusa sa mga distrito kapag hindi sumasang-ayon ang kanilang mga kinatawan sa posisyon ng majority.
Ayon kay NUP Chair at Antipolo Rep. Ronaldo Puno, hindi dapat pagkaitan ng proyekto at social services ang mga residente dahil lamang sa boto o opinyon ng kanilang kongresista.
Giit ni Puno, hindi angkop na tugon sa hindi pagsunod sa majority line ang pagkakait ng assistance sa mga constituent at komunidad na nangangailangan nito.
Aniya, may responsibilidad ang mga kongresista na ipahayag ang opinyon ng kanilang mga distrito kahit hindi ito tugma sa posisyon ng nakararami.
Sinabi rin ni Puno na may mga miyembro ng NUP na nakaranas umano ng ganitong mga epekto, kabilang ang mga pondong para sana sa kanilang mga distrito.
Giit ng NUP Chair hindi dapat maapektuhan ang access ng mga residente sa mga serbisyong pampubliko dahil lamang sa political disagreement ng kanilang kinatawan sa Kongreso.