Hinimok ni Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III ang pagpapalakas sa pamilyang Pilipino bilang pundasyon sa paghubog ng mga kabataan at sa pag-unlad ng bansa.
Sa kanyang privilege speech para sa national family week, binigyang-diin ni Sotto ang mahalagang papel ng pamilya sa pagpapalaki ng mga batang may mabuting asal at matatag na pagkatao.
Ayon kay Sotto, sa mga nangyayaring trahedya at karahasan sa mga paaralan at sa hanay ng mga kabataan nitong mga nakaraang buwan, kailangang tanungin kung saan nagkukulang ang paaralan, pamahalaan at pamilya.
Binigyang-diin din ng senador ang epekto ng teknolohiya at social media sa mga bata, lalo na ang malawak na access sa impormasyon at content na maaaring walang sapat na regulasyon o paggabay.
Dahil dito, sinabi ni sotto na kailangang marinig ang boses ng mga pamilyang pilipino sa paggawa ng mga batas at polisiya na direktang nakaaapekto sa kanila.
Ayon sa senador, bagama’t may national committee on Filipino family sa ilalim ng DSWD ay wala pang central agency na partikular na nakatutok sa mga usapin ng pamilya.
Kaugnay nito, inihain niya noong July ang senate bill no. 2306 o ang panukalang filipino family act na naglalayong lumikha ng central agency na kakatawan sa interes ng pamilyang pilipino sa policy-making.
Layunin din ng panukala na isailalim sa family mainstreaming at family impact assessment ang mga polisiya, batas, budget, programa at proyekto ng pamahalaan.
Iginiit ni sotto na dapat matiyak na ang mga batas ay epektibong nagbibigay-kakayahan sa pamilya na maging pundasyon ng character-building at pambansang kaunlaran. | ulat ni Nimfa Asuncion