Pati ang mga nakatakda sanang mga plebisito sa iba’t ibang lugar sa bansa ay naudlot dahil sa pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sana ngayong Nobyembre 2.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Comelec Chairperson George Garcia na orihinal sanang isasabay sa 2026 BSKE ang mga plebisito sa Ayala, Alabang; Naga City sa Camarines Sur; at sa lalawigan ng Davao de Oro upang makatipid ang pamahalaan sa malaking gastusin sa pagpapatakbo ng hiwalay na halalan.
Gayunman, paglilinaw ni Garcia, maaari pa ring maituloy ang plebisito sa Naga City para sa pagiging Highly Urbanized City (HUC) nito.
Ayon sa poll chief, may nakalaan nang sariling pondo ang lokal na pamahalaan ng Naga City para sa pagsasagawa ng plebisito.
Bagamat hindi pa ito gaano kasapat, nakiusap umano si Naga City Mayor Leni Robredo sa Comelec na ipursige at ituloy pa rin ang nasabing proseso.
Paliwanag ni Garcia, sa kasalukuyan ay isa nang independent component city ang Naga City kung saan hindi na bumoboto ang mga residente nito para sa mga opisyal ng lalawigan tulad ng gobernador.
Layunin aniya ng plebisito ay ang pormal na pagpapatibay ng status nito bilang HUC.
Samantala, para naman sa mga nakabinbing plebisito sa iba pang mga lugar, ayon sa Comelec ay isasabay na lang ang mga ito sa darating na BSKE sa 2028.