Puspusan na ang paghahanda ng National Food Authority (NFA) sa posibleng matinding epekto ng Super El Niño na mararanasan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay NFA Administrator, Dr. Larry Lacson, sinabi nito na bilang paghahanda ng kanilang ahensya, nagdadagdag sila ng rice storage facilities sa pamamagitan ng pagrenta ng mga warehouse mula sa mga pribadong sektor.
Ayon kay Administrator Lacson, mayroong karagdagang 65 storage facilities na nirentahan ang NFA sa iba’t ibang rehiyon ng bansa upang maging sapat ang buffer stocks nito hanggang pagpasok ng susunod na taon.
Kabilang na aniya rito ang storage facility na pinuntahan at sinuri nila ni Department of Agriculture Secretary Francico P. Tiu Laurel Jr. sa Victoria Tarlac na mayroong kapasidad na aabot sa 100,000 kaban ng palay.
Samantala, binigyang-linaw naman ni Administrator Lacson na mayroon talagang kategorya sa pagbili nila ng palay para sa buffer stocks upang mapanatili ang magandang kalidad ng bigas.
Ngunit hindi ibig sabihin na primera klase (1st class) lamang ang binibili ng NFA, kundi binibili rin nila maging mga segunda klase (2nd class) at pag-aaralan pa ang para naman sa mas mabababang kalidad dahil hindi pa sapat ang kanilang mga makinarya.