Kinumpirma ni House Lead Prosecutor at Batangas Representative Gerville Luistro na kabilang sa mga dokumentong isinumite ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa Senate impeachment court ang mga remittance na pumasok sa Cale88 Foods Corp. mula sa China at iba pang bansa.
Ang Cale88 ay isa sa mga kumpanyang iniimbestigahan ng prosekusyon sa ilalim ng Article II ng impeachment case laban kay VP Sara Duterte.
Ayon kay Luistro bahagi ng mga isinumiteng summary ng AMLC ang mga pondo o inward remittances patungo sa Cale88 mula sa labas ng bansa.
Tumanggi si Luistro na magbigay ng karagdagang detalye bilang pagtalima sa sub judice rule.
Sa Lunes, October 6 nakatakdang humarap sa witness stand ang AMLC at 14 na banko at insurance company.