Photo courtesy of Presidential Communications Office
Personal na binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Patul Elementary School sa Barangay Patul, Lungsod ng Santiago, Isabela nitong Biyernes upang siyasatin ang pagpapatupad ng mga pampublikong programa sa nutrisyon at edukasyon sa lalawigan.
Sa kaniyang pagbisita, ininspeksyon ng Pangulo ang pasilidad ng kusina ng paaralan at tumanggap ng ulat ukol sa pagpapatupad ng Home-Grown School Feeding (HGSF) Program.
Ang nasabing programa ay naglalayong maghain ng masusustansyang pagkain sa mga mag-aaral habang direktang nakikipag-ugnayan sa mga lokal na magsasaka at kooperatiba para sa mga sangkap na ginagamit sa pagluluto.
Bukod sa inspeksyon, pinangunahan din ng Pangulo ang pamamahagi ng mga pagkain sa mga mag-aaral at nakipagkuwentuhan sa mga lokal na magsasaka na siyang pangunahing nagsusuplay ng mga sariwang gulay para sa feeding program.