Inilipat ng Civil Service Commission sa Nobyembre 22, 2026 ang Career Service Examination-Pen and Paper Test na nasuspinde noong Agosto 9 sa ilang testing centers dahil sa masamang panahon.
Kabilang sa mga examinee na kukuha ay mula sa NCR, Batangas City, Dasmariñas City, Sta. Cruz, Laguna, Morong, Rizal, Baguio City, La Trinidad, Benguet, at Bangued, Abra.
Hindi na kailangan ng panibagong pagpaparehistro o karagdagang bayad para sa naturang pagsusulit.
Mananatili, sa pangkalahatan, ang dating testing center o paaralan ng mga examinee, habang hiwalay na iaanunsyo ang final school at room assignments.
Ang hindi pagdalo sa araw ng pagsusulit ay ituturing na pag-waive sa examination slot, at hindi na mare-refund o maililipat ang examination fee.
Sakaling magkaroon ng Red o Orange Rainfall Warning sa araw ng pagsusulit, ililipat na naman ang examination sa Enero 24, 2027 sa lahat ng tatlong rehiyon. Pinapayuhan ng CSC ang mga examinee na subaybayan ang official communication channels nito para sa mga susunod na abiso.