Binuksan ng Marikina City Government nitong Linggo ang Marikina Animal Rescue and Shelter, isang pasilidad na nakalaan para sa pag-aaruga at pansamantalang tirahan ng mga nailigtas na aso at pusa at pagbibigay sa kanila ng wastong pangangalaga at proteksiyon.
Matatagpuan ang shelter sa Gil Fernando Avenue, sa tapat ng City Engineering Warehouse sa Barangay Sto. Niño na isang pet project ni Marikina Mayor Maan Teodoro.
“Ang facility ay magsisilbing tahanan ng mga rescued na aso at pusa. Dito sila mabibigyan ng kalinga, pagkain, at kinakailangang atensiyon habang naghihintay ng kanilang adoption,” sabi ni Teodoro.
Ayon kay Teodoro, magsisilbing no-kill shelter ang pasilidad, upang matiyak na mabibigyan ng wastong pangangalaga at proteksiyon ang mga nailigtas na aso at pusa.
Maaari ring makakuha ang mga residente ng veterinary services sa pasilidad, kabilang ang libreng anti-rabies vaccination araw-araw at veterinary check-up para sa kanilang mga alagang hayop.
Kasabay ng pagbubukas ng shelter ang pagdiriwang ng Feast of St. Francis of Assisi, ang patron saint ng mga hayop, bilang bahagi ng Paws & Friends Festival ng lungsod. Isinagawa rin ito kasabay ng PAWNTASTIC Marikina Car-Free Sunday, kung saan tampok ang community pet walk, libreng anti-rabies vaccination, at pet blessing.