Patuloy na nakararanas ng mababang kalidad ng hangin ang ilang bahagi ng Maynila, na posibleng may kaugnayan sa usok at haze mula sa mga nagaganap na wildfire sa Kalimantan, Indonesia.
Ayon sa Department of Environment and Public Services ng Maynila, mula hapon hanggang 7:00 kagabi ng Oktubre 3, dalawang air quality monitoring sensors, sa Anda Circle at Rajah Sulayman Park, ang nagtala ng fair na Air Quality Index o AQI.
Samantala, tatlong monitoring stations sa Puregold Tayuman, San Sebastian Residences, at Sta. Ana Hospital ang nakapagtala ng antas na unhealthy para sa mga sensitibong grupo.
Posibleng natatangay umano patungo sa Pilipinas ng prevailing winds ang usok at transboundary haze mula sa mga sunog sa Kalimantan.
Pinapayuhan naman ng mga kabilang sa sensitive groups, partikular ang may respiratory conditions gaya ng asthma, mga bata, matatanda, at buntis, na limitahan ang matagal na pananatili o aktibidad sa labas, lalo na sa mga apektadong lugar.
Kaugnay nito, ayon sa ulat ng meteorological agency ng Indonesia na BMKG, pinalalala pa ng super El Niño ang mga wildfire dahil sa mainit at tuyong kondisyong dala nito, na nagpapadali sa pagkalat at pagpapatuloy ng mga sunog.