Photo courtesy of Bureau of Investigation
Tinatayang aabot sa 244 na dayuhan, karamihan ay Chinese nationals, ang inaresto ng Bureau of Immigration (BI) sa magkahiwalay na operasyon laban sa hinihinalang ilegal na POGO activities sa Zamboanga Sibugay.
Isinagawa ang operasyon noong Oktubre 2 sa Barangay Kimos sa Siay at Barangay Tandiong Muslim sa Alicia, katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon sa BI, 113 dayuhan ang nahuli sa Siay, habang 131 naman sa Alicia. Kabilang sa mga iniimbestigahan ang umano’y pagtatrabaho nang walang kaukulang visa, pagiging undocumented, ilegal na pagpasok sa bansa, at pagkakasangkot sa ilegal na online activities na may kaugnayan sa POGO.
Narekober din sa isang compound ang 78 computer monitors, humigit-kumulang 3,000 cellphone, laptops at SIM cards, na pinaniniwalaang ginagamit sa online scams.
Ang nasabing operasyon ay bahagi ng pagpapatupad ng pagbabawal sa POGO sa ilalim ng Executive Order 74 at Anti-POGO Act of 2025. Patuloy namang iniimbestigahan ang mga nahuli, kabilang ang posibleng human trafficking violations, at pagsasailalim sa mga ito sa deportation proceedings.