Isinailalim sa condemnation o pagsira ng Bureau of Customs, Port of Manila o BOC-POM ang pitong container na naglalaman ng iba’t ibang nasamsam at forfeited goods na nagkakahalaga ng mahigit P1.650 milyon.
Isinagawa ang sampung araw na disposal activity sa Biñan, Laguna na nagtapos noong September 15, sa pangunguna ng Auction and Cargo Disposal Division.
Kabilang sa mga ipinasira ang grocery products, sirang LED lighting fixtures, muwebles, medical supplies, kutson, toothbrushes at iba’t ibang gamit sa bahay at personal na kagamitan.
Ayon sa BOC, ang mga produkto ay nasamsam at napasakamay ng gobyerno dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Intellectual Property Code of the Philippines.
Layunin ng hakbang na matiyak ang maayos at naaayon sa batas na pagtatapon ng mga nasamsam na produkto at maiwasan ang kanilang hindi awtorisadong pagpasok sa merkado.
Kaugnay nito, nagpapatuloy naman ang BOC sa pagpapatupad ng border protection at kampanya laban sa smuggling.