Target ng Department of Agriculture (DA) na masimulan ngayong linggo ang pamamahagi ng fuel assistance para sa mga mangingisda.
Bahagi ito ng ₱6.2-bilyong UPLIFT o Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport Assistance ng DA, na layong tulungan ang agri sector na makayanan ang epekto ng global oil crisis at nakaambang very strong El Niño.
Ayon kay Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., isinasapinal na rin ang listahan ng mga magsasaka na susunod na benepisyaryo ng assistance, na target namang maipamahagi bago matapos ang Oktubre.
Kabilang sa prayoridad ang mga magsasaka at mangingisda sa mga lugar na naapektuhan ng Habagat, gaya ng Zambales, Tarlac, Pampanga at Bulacan, pati na ang mga apektado ng tagtuyot sa Cagayan Valley.
Bukod sa fuel assistance, kabilang sa UPLIFT package ang ₱2.2 bilyong fertilizer assistance, ₱1 bilyong cash assistance sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program o PAFFP, at ₱1 bilyong fuel subsidy para sa mga agri-truckers.
Kaugnay nito, nakikipagnegosasyon pa ang DA sa mga toll provider para sa planong karagdagang assistance sa mga trucker na nagdadala ng agricultural products.