Mas palalakasin pa ng Department of Health o DOH ang kanilang kampanya sa pagpapatupad ng AmBisyon program para mas maitaas pa ang hospital service standards sa buong bansa.
Sa panayam ng PTV kay DOH Spokesperson, Assistant Secretary Tagumpay Maniquis iginiit nito na layon ng AmBisyon na mabigyan pa ng pansin ang serbisyo ng mga ospital at mapaganda pa ito ng walang anomang dagdag na gastusin.
Kabilang rito ang agaran at magiliw na atensiyon sa mga pasyente, maaliwalas na kapaligiran, mas maayos at malinis na palikuran, maayos at hindi pundidong ilaw, maaasahang social support, maaayos na kagamitan, organisadong pila at mga nakapaskil at updated na impormasyon.
Layon din ng nasabing inisyatiba na matutukan hindi lang ang kapakanan ng mga pasyente kundi mabigyan din ng pansin ang pangangailangan at kapakanan ng mga mga healthcare professionals and workers.
Paglilinaw pa ng DOH na wala silang anomang pinatatamaan sa kanilang paggiit sa AmBisyon initiative kundi isa lang itong paggiit na dapat manatiling mataas ang service standards ng mga ospital sa bansa.