Walang-patid ang isinasagawang mga paghahanda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang maging El Niño-ready ang kanilang mga pasilidad partikular ang mga warehouse ng kagawaran na nag-iimbak at nagpo-proseso ng mga family food pack.
Sa panayam ng programang Boses kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao sinabi niyang nasa magandang kondisyon ang lahat ng warehouse ng DSWD at handa ito sa epekto ng El Niño.
Ilan nga sa mga feature ng mga warehouse ng DSWD ang maayos na heat insulation at magandang ventilation system.
Makatitiyak din na hindi basta-basta maaapektuhan ng mainit na panahon ang family food packs at makasisigurong hindi ito basta masisira.
Muli ring tiniyak ng DSWD na laging bukas ang kanilang linya ng komunikasyon para sa mga lokal na pamahalaan na magre-request ng replenishment ng kanilang family food packs at manghihingi ng tulong tulad ng dagdag na inuming tubig sa mga lugar na direktang apektado ng “very strong” El Nino.