“Let the evidence speak!”
Ito ang naging reaksiyon ni Prosecution Adviser at Spokesperson Ace Barbers matapos ang tinawag niyang “bigong pagbabanta” ng panig ng depensa sa isang testigo mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Ang pahayag ni Barbers ay tugon sa paulit-ulit na objection at pagbabanta ng criminal liability ng abugado ng depensa na si Atty. Mark Vinluan laban kay AMLC Executive Director Ronel Buenaventura at sa mga miyembro ng media.
Ayon kay Barbers, tila hindi ginagawa ng depensa ang kanilang “homework” na pag-aralan nang mabuti ang kaso at ang mga kaukulang datos mula sa AMLC.
Sa halip na takutin ang testigo, hinamon ni Barbers ang kabilang panig na maghain na lamang ng pormal na reklamo kung nais nilang patunayan ang kanilang mga paratang.
Aniya, maaari nilang doon ilatag at ipaglaban ang isyu ukol sa umano’y paglabas ng mga confidential na record mula sa bank accounts nina Bise Presidente Sara Duterte at Mans Carpio.