Hinimok ng Philippine Mental Health Association Incorporated (PMHA) ang publiko na gawin ang maagap at ibayong pag-iingat sa pangangalaga sa sarili.
Ito ang tinuran ng grupo bilang paggunita sa National Mental Health Month ngayong October.
Ayon sa PMHA, malaki ang epekto sa mental health ng mga pang-araw-araw na hamong kinahaharap ng bawat isa, gaya ng mahabang oras ng pagkababad sa trapiko, pagtaas ng presyo ng langis at iba pang bilihin.
Gayundin ang lumalaking pressure gaya sa eskwelahan, trabaho at sa lipunang ginagalawan ng tao.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), nakapagtala ito ng 354 na kaso ng self-harm, habang 111 kaso naman ang naitala ng National Capital Region Police Office (NCRPO) mula January 1 hanggang March 23.
Triple ito kumpara sa 33 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong isang taon, kasabay na rin ng mga ulat ng karahasan sa mga paaralan na kinasasangkutan ng mga kabataan.
Ayon kay Dr. Jason Ligot, Public Relations Officer ng PMHA, hindi basta-basta ang usapin ng mental health at dapat itong bigyan ng ibayong atensyon at pagtugon.
Kailangan aniya nang wakasan ang paniniwala na ang mental health condition ay isang bagay na dapat ikahiya o itago dahil dapat itong tinatapatan ng tamang pagtugon, gaya ng pakikinig at panghihikayat na dapat harapin ito nang may tapang at dignidad.