Tiniyak ng Department of Budget and Management (DBM) na makikipagtulungan ito sa Department of Education (DepEd) para mapabilis ang pagproseso ng FY 2024 Performance-Based Bonus o PBB para sa mga guro sa pampublikong paaralan.
Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mapabilis ang pagproseso at pagpapalabas ng kinakailangang pondo para sa PBB.
Sa ilalim ng Executive Order No. 61 Technical Working Group Memorandum Circular No. 2026-1, may 20 calendar days ang DepEd mula sa pagtanggap ng Final Eligibility Assessment Report para isumite sa DBM ang Form 1.0 o Report on Ranking of Offices/Delivery Units, na tutukoy sa mga opisyal at empleyadong kwalipikado sa FY 2024 PBB.
Kapag natanggap na ng DBM ang kumpleto at tamang submission mula sa DepEd, agad nitong rerepasuhin at ipoproseso ang Special Allotment Release Order at Notice of Cash Allocation, alinsunod sa mga umiiral na patakaran.
Tiniyak ng DBM na walang hindi kinakailangang pagkaantala sa kanilang panig sa pagpapalabas ng PBB.
Layunin ng PBB na kilalanin ang trabaho at performance ng mga guro na may malaking responsibilidad sa edukasyon ng susunod na henerasyon ng mga Pilipino.