Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark ang tinatayang 4,140 gramo ng hinihinalang ketamine na nagkakahalaga ng ₱20.7 milyon mula sa isang shipment na galing sa Amsterdam, Netherlands at dadalhin sana sa Valenzuela City.
Isinagawa ang operasyon kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA at Clark Inter-Agency Task Force Against Illegal Drugs.
Dumaan sa regular na customs clearance ang shipment ngunit na-flag matapos makitaan ng kahina-hinalang imahe sa X-Ray Inspection Project ng BOC, dahilan para isailalim ito sa physical examination.
Idineklara ang kargamento bilang “Compact Ceramic Fan,” pero natuklasan dito ang pitong transparent plastic bag na naglalaman ng puting crystalline substance na hinihinalang ketamine.
Sa paunang pagsusuri gamit ang spectrometer, lumabas ang “Special K” reading na indikasyon ng posibleng presensya ng ketamine. Ipinasa naman sa PDEA ang mga sample para sa laboratory analysis at confirmatory testing.
Pinangunahan ang operasyon ng ESS-Customs Anti-Illegal Drug Task Force, Customs Intelligence and Investigation Service at X-Ray Inspection Project.
Pinuri ni District Collector Jairus Reyes ang pagbabantay ng mga tauhan ng Customs at koordinasyon sa mga law enforcement agency.
Sa ilalim ng pamumuno ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, sinabi ng BOC na patuloy nitong pinaiigting ang enforcement at border protection sa mga pantalan at entry points sa bansa.