Ipinag-utos ng liderato ng Philippine National Police (PNP) sa mga commander sa ground na paigtingin ang kanilang mga hakbang upang pangalagaan ang kaligtasan ng kanilang mga tauhan sa field.
Ito’y dahil sa inaasahang pagtaas ng heat index bunsod ng matinding epekto ng Very Strong El Niño sa bansa
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr, mahalagang maprotektahan ang mga tauhan ng pulisya laban sa matinding init para manatili silang malusog at handang gampanan ang kanilang mga tungkulin.
Una rito, sinabi ng mga eksperto na maaaring umabot sa 50 degrees Celsius ang heat index sa mga urban area, kabilang ang Metro Manila, habang umiiral ang El Niño phenomenon.
Kasunod nito, pinarerepaso na rin ng PNP Chief ang kanilang mga deployment plan at isaalang-alang ang rotational shifts upang mabawasan ang matagal na pagkakalantad ng mga tauhan sa matinding temperatura.
Layunin ng mga hakbang na mabawasan ang mga panganib na dulot ng init sa mga tauhang nagsasagawa ng pagpapatrolya, traffic management, seguridad, pagtulong sa publiko, at iba pang tungkuling nangangailangan ng matagal na pananatili sa labas.