Binigyang-diin ng Office of Civil Defense o OCD na malaking tulong sa pagpapatupad ng anticipatory actions at mga hakbang upang mas mapaghandaan ang mga kalamidad ang ganap na paglagda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Republic Act 12287 o ang Declaration of State of Imminent Disaster Act.
Sa panayam ng programang BOSES kay OCD Spokesperson Junie Castillo sinabi niyang inilabas na rin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC ang Implementing Rules and Regulations ng deklarasyon ng State of Imminent Disaster.
Oras na magtugma ang rekomendasyon mula sa Regional Disaster Risk Reduction Management Council o RDRRMC at mga isinagawang scientific forecast at Pre-disaster risk assessment ay maaari na itong ideklara ng lokal na pamahalaan ito man ay bagyo, lindol o ang inaasahang epekto ng El Niño.
Oras na maipatupad ito ay maaari nang isagawa agad ang mga pre-determined na anticipatory actions at mabigyan ito ng sapat na pondo.
Nangangahulugan ito na hindi na kinakailangan pang tamaan ng malakas na bagyo ang isang lugar bago ito kumilos at ipatupad ang mga anticipatory actions nito.
Pagdating naman sa pondo ay kukunin ito sa preparedness funds ng mga lokal na pamahalaan kung saan sampung porsiyento mula sa 70% na preparedness funds ang maaaring magamit para sa ancipatory action bago pa ang kalamidad.