Pinaigting pa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang paghahanda para sa inaasahang epekto ng El Niño sa sektor ng pangisdaan.
Sa panayam ng Bangon, Bayang Mahal kay BFAR Spokesperson Nazario Briguera, sinabi niyang mas pinalakas pa ngayon ng BFAR ang kanilang information campaign at paalala hinggil sa mga posibleng maging epekto ng matinding El Niño.
Ilan nga sa mga ito ay ang pagtaas ng posibilidad ng fish kill sa fish ponds, mas mahirap na panghuhuli sa mga isda bunsod ng pag-init ng katubigan, pagdalas at pagdami ng insidente ng red tide, at coral bleaching.
Hindi naman nagpapabaya ang BFAR sa pagsasagawa ng mitigation measures at pagbibigay ng technical assistance lalo na sa mga nasa sektor ng aquaculture.
Mahigpit din ang pakikipag-ugnayan ng BFAR sa PAGASA upang mas maging epektibo ang mga hakbang nito sa pagtugon sa mga maaapektuhang fisheries stakeholder.