Photo courtesy of Department of Education (DepEd)
Nagbabala ang Department of Education (DepEd) laban sa mga indibidwal na gumagamit ng pangalan ng mga opisyal ng ahensya para manghingi ng pera sa mga supplier at contractor.
Sa abiso ng DepEd, nakatanggap sila ng mga ulat na may mga nagpapakilalang konektado kay Education Secretary Sonny Angara at iba pang opisyal.
Humihingi umano ang mga ito ng pera kapalit ng Notice of Award, Notice to Proceed at iba pang procurement transactions.
Mariing itinanggi ng DepEd ang mga ito. Giit ng ahensya, walang opisyal nito ang nag-uutos na humingi ng pera o magdeposito sa pribadong account kapalit ng mga kontrata ng pamahalaan.
Pinayuhan ng DepEd ang sinumang makatatanggap ng ganitong solicitation na huwag magbayad, itago ang lahat ng ebidensya, at agad itong iulat sa DepEd, PNP o NBI para sa imbestigasyon at posibleng entrapment operation.
Tiniyak din ng DepEd na kakasuhan ang sinumang mapatutunayang gumamit ng pangalan ng ahensya o ng mga opisyal nito para makapanloko.