Maaaring kailanganin umanong humarap at tumestigo mismo si Vice President Sara Duterte sa impeachment trial kung kawalan ng kaalaman sa mga financial account ang magiging depensa ng kaniyang kampo.
Ayon kay prosecution team legal spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr. hindi pa umano naririnig ng prosecution ang mismong paliwanag ng bise presidente kaugnay ng mga financial records na iniharap sa paglilitis.
Aniya, kung igigiit ng depensa na walang alam ang bise presidente sa mga naturang account, maaaring kailanganin nitong mismong ipaliwanag at patunayan ang kaniyang panig sa pamamagitan ng pagharap sa witness stand.
Sinabi rin ni Tolosa na paulit-ulit umano ang mga isyung lumitaw sa loob ng ilang taon at malalaki ang halagang sangkot, kaya tiyak umanong isasaalang-alang ito ng mga senador na magsisilbing impeachment judges.
Dagdag naman ni Prosectuion Team Adviser Ace Barbers, mahirap umanong sabihin na walang kaalaman ang bise presidente sa isang account kung may pirma niya sa KYC o Know Your Customer documents na kinakailangan sa pagbubukas at pagpapanatili ng bank account.