Photo courtesy of Department of Health
Halos 400 mag-aaral at school staff ang nakatanggap ng libreng serbisyong medikal sa isinagawang YAKAP sa Pisay ngayong araw.
Sa naturang aktibidad, nasa 270 naman sa mga benepisyaryo ang na-empanel o nakapili at naitala sa kanilang napiling YAKAP clinic.
Kabilang sa mga serbisyong medikal na hatid ng programa ang medical consultation, laboratory services, visual screening, dental check-up, nutrition services, cancer screening, at pamamahagi ng libreng gamot.
Isinasagawa ang programa sa ilalim ng Unified National Agenda o UNA for Health, kung saan layunin ng Department of Health o DOH at PhilHealth na matiyak na malayo sa sakit at may access sa kinakailangang serbisyong pangkalusugan ang bawat mag-aaral at empleyado.
Inaasahang mas dadami pa ang mga mag-aaral at school personnel na makikinabang sa YAKAP services sa pagpapatuloy ng YAKAP sa Pisay.
Patuloy rin na palalawakin ang access sa YAKAP services sa iba pang mga paaralan, upang mas maraming mag-aaral at school employees ang ma-empanel sa mga YAKAP clinic at magkaroon ng access sa mga serbisyong medikal na kanilang kinakailangan.