Pinaiigting na ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang paghahanda sa posibleng matinding epekto ng Super El Niño sa bansa.
Inaprubahan ng ika-13 Konseho ng Maynila, sa pangunguna ni Vice Mayor Chi Atienza, ang Resolution No. 10196 na nag-uutos sa mga ahensya ng lungsod na palakasin ang information dissemination at disaster preparedness sa lahat ng barangay.
Ayon kay City Council Majority Floor Leader Raymundo “Mon” Yupangco, mahalagang maagapan ang posibleng epekto ng matinding init, tagtuyot, at iba pang kalamidad.
Nagbabala rin ang ilang konsehal sa posibleng kakulangan sa suplay ng tubig at pagkain, pagtaas ng presyo ng mga bilihin at dagdag na konsumo sa kuryente.
Sinabi naman ni Atienza na batay sa ulat ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office, posibleng maramdaman ang epekto ng El Niño sa Nobyembre at maging pinakamalala pagsapit ng Pebrero.
Nanawagan ang konseho sa mga Manilenyo na magtipid sa tubig at makiisa sa mga hakbang ng lokal na pamahalaan.