Photo courtesy of Rep. Brian Yamsuan
Suportado ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan ang dagdag na pondo sa 2027 national budget para sa mga programang naglalayong mapaunlad ang micro at small enterprises o MSEs.
Sa Budget Amendments Review Subcommittee o BARSc, nagkaroon ng P870.5 milyong dagdag sa Sustainable Livelihood Program ng DSWD at P50 milyon para sa Small Business Corporation.
Ang SBCorp ang nagpapatupad ng Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso o P3 Program na nagbibigay ng pautang sa mga kwalipikadong maliliit na negosyo.
Ayon kay Yamsuan, makatutulong ang dagdag na pondo upang mas maraming Pilipino ang magkaroon ng oportunidad na magsimula o mapalago ang kanilang negosyo.
Gayunman, mahalaga aniyang gawing permanente ang SLP at P3 upang hindi nakadepende ang pagpapatuloy ng mga programa sa taunang budget at pagbabago ng prayoridad ng bawat administrasyon.
Una nang inihain ng mambabatas ang House Bill 2580 para gawing institutionalized ang SLP at matiyak ang tuloy-tuloy na pondo para rito.
Sa kaniya namang House Bill 9472 gagawin ding batas ang P3 Program at maglaan ng collateral-free loans na may mababang interes para sa micro at small enterprises.