Lumagpas ng mahigit ₱5 bilyong piso sa target ang koleksyon ng Bureau of Customs (BOC), kasabay ng pagpapatupad ng mga reporma para mapabilis ang serbisyo at palakasin ang seguridad sa mga pantalan.
Sa Balitaan sa Harbor View, iniulat ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na nakalikom ang ahensya ng mahigit ₱664 bilyong piso, kumpara sa target na ₱659 na bilyon.
Ayon kay Nepomuceno, patuloy ang digitalization sa BOC upang mapabilis ang pagproseso ng mga kargamento at mapahusay ang operasyon.
Inatasan din ang mga tauhan na tapusin ang assessment ng mga shipment sa loob ng limang araw, habang ang mga kargamento sa paliparan na may kumpletong dokumento ay dapat mailabas sa loob ng isa hanggang tatlong araw.
Pinalalakas din ng BOC ang paggamit ng X-ray scanners, intelligence-sharing, at K9 units upang mapigilan ang pagpasok ng mga kontrabando sa bansa.
Naghahanda rin ang ahensya sa posibleng pagdami ng mga shipment at pagsisikip sa mga pantalan.