Pasado na sa senado ang panukalang batas na layong higpitan ang access ng mga kabataan sa digital services na itinuturing na mataas ang panganib sa mga bata.
Sa naging botohan para sa Senate Bill 2424 o ang panukalang Safe Media Access and Responsible Technology for Kids in Digital Spaces (SMART KIDS) Act, 16 na senador ang bumoto ng pabor at isa ang tutol, sa katauhan ni Senator Risa Hontiveros.
Sa ilalim ng panukala, pagbabawalan ang mga batang wala pang 18 years old na makagawa o makagamit ng account sa mga itinuturing na high-risk digital service platform.
Ang anumang account na makatwirang matukoy na pagmamay-ari, pinapatakbo o ginagamit ng isang menor de edad ay maaaring ipasuspinde, i-disable o ipatanggal.
Hindi naman sakop ng panukala ang mga email, private messaging, online gaming na hindi pangunahing ginagamit para sa social networking, educational platforms, news services, at professional collaboration services.
May probisyon rin sa panukala na magpaparusa o magpapataw ng multa sa mga high-risk digital service na lalabag.
Gayundin sa mga magulang o legal guardian na sadyang tutulong sa pag-iwas sa age assurance mechanisms.