Pinaigting ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kampanya nito sa internal cleansing, alinsunod sa direktiba ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez na tiyaking agarang maresolba ang mga administrative case at makamit ang layuning zero backlog.
Mula nang maupo si NCRPO Officer in Charge PBGen. Christopher Abrahano noong August 23, 2026, umabot na sa 70 police personnel ang napatawan ng parusa sa mga administrative case mula August hanggang October 2026. Sa bilang na ito, 13 ang natanggal sa serbisyo habang 57 naman ang nasuspinde.
Kabilang sa mga kasong nagresulta sa dismissal ang mga seryosong paglabag tulad ng Absence Without Official Leave (AWOL), paglabag sa Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act, paglabag sa Republic Act No. 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act at estafa, bukod sa iba pa.
Binigyang-diin ni PBGen. Abrahano na ang internal cleansing campaign ng NCRPO ay hindi lamang nakatuon sa pagpapataw ng parusa kundi sa pagtitiyak na ang bawat pulis ay karapat-dapat magsuot ng uniporme at mapagkatiwalaan ng publiko.
Inatasan din ni PBGen. Abrahano ang mga district director, chief of police at unit commander na maging mas maagap sa pagtukoy sa mga tauhang maaaring sangkot sa misconduct at agad na magsagawa ng kaukulang aksyon kapag kinakailangan.
Binigyang-diin ng NCRPO na ipatutupad ang kampanya nang walang kinikilingan, walang pinapaboran at walang selective enforcement, alinsunod sa mga umiiral na batas, mga panuntunan ng PNP at mga itinakdang proseso sa paghawak ng administrative cases.