Hindi ibinababa ng pambansang pulisya ang kanilang alerto partikular ang National Capital Region Police Office (NCRPO) bunsod ng pagbabantay naman para sa nalalapit na kapaskuhan.
Sa panayam ng programang Boses kay NCRPO Public Information Office Chief and Spokesperson Police Lieutenant Colonel Hazel Asilo, sinabi niyang naka-deploy na ang mga tauhan ng NCRPO sa iba’t ibang places of convergence tulad ng mga simbahan, mga terminal, mall, park, plaza, at iba pang pampublikong lugar.
May presensiya ring pinakakalat ang NCRPO sa mga residential area upang maiwasan naman ang panloloob o pagnanakaw sa mga bahay na walang tao bunsod ng ASEAN Summit long weekend.
Paalala pa ng NCRPO sa mga mamimili ngayong holiday season sa mga siksikang lugar na maging alerto at mapagmatiyag lalo na sa mga snatcher, magnanakaw, at iba pang masamang-loob.
Dapat ding maging alerto ang publiko laban sa iba’t ibang holiday scams at cybercrimes upang hindi lang basta-basta malimas ang kanilang mga pinaghirapang pera.