Idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang probisyon ng Magna Carta of Filipino Seafarers na nag-aatas sa mga seafarer na maglagak ng bond bago makuha ang pinagtatalunang monetary award o danyos habang nakabinbin ang apela sa kanilang kaso.
Sa desisyong isinulat ni Supreme Court Associate Justice Maria Filomena Singh, pinawalang-bisa ang bahagi ng Section 59 ng Republic Act No. 12021 dahil lumalabag ito sa karapatan sa due process at equal protection.
Ayon sa Korte Suprema, hindi makatarungang pasanin ng mga seafarer ang pagbabayad ng bond para lamang makuha ang perang iginawad sa kanila sa labor case, lalo’t hindi ito ipinapataw sa ibang manggagawa.
Pinawalang-bisa rin ang probisyong nagpapahintulot na gamitin ang AKSYON Fund ng Department of Migrant Workers (DMW) para sa pagbabayad ng bond premiums.
Bukod dito, ibinasura rin ng Korte Suprema ang mga probisyong nagtatakda ng 10% limit sa professional fees ng mga abogado at iba pang regulasyon sa kanilang legal representation.
Binigyang-diin ng Korte Suprema na tanging ito ang may kapangyarihang magtakda ng mga patakaran sa pagsasagawa ng legal profession.
Samantala, pinanatiling balido ang mga probisyon ng batas sa maritime education at training, kabilang ang kapangyarihan ng Maritime Industry Authority (MARINA) na magtakda ng mga pamantayan sa pagsasanay ng mga seafarer.
Bahagyang pinagbigyan ng Korte Suprema ang limang petisyong kumukuwestiyon sa batas.
Mananatiling epektibo ang Magna Carta of Filipino Seafarers maliban sa mga probisyong idineklarang labag sa Konstitusyon o walang bisa.