Higit sa 300 indibidwal ang nakinabang sa Enhanced Community Mortgage Program (ECMP) sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ginanap na paggawad noong Huwebes bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Shelter Month 2026.
Pangungunahan ni Kalihim Jose Ramon Aliling ang paggawad ng 91 Transfer Certificate of Title (TCT) sa mga pamilyang binubuo ng higit 300 indibidwal. Ang mga ito ay kasapi at benepisyaryo ng mga homeowners association sa Lungsod ng Quezon at Lungsod ng Caloocan na sakop ng ECMP na ipinatutupad ng Social Housing Finance Corporation (SHFC).
Sa 91 titulong ipinagkaloob, 63 ang napunta sa mga pamilyang benepisyaryo mula sa Lungsod ng Quezon: 30 titulo para sa Payatas Clans Lot 2-E Homeowners Association, Inc., 21 titulo para sa Kapatiran Horseshoe Homeowners Association, Inc., at 12 titulo para sa Sandigan ng Maralita sa Batasan Homeowners Association, Inc. Samantala, 28 titulo naman ang iginawad sa Camarin Mahogany Homeowners Association, Inc. sa Lungsod ng Caloocan.
Sinabi ni Kalihim Aliling na ang paggawad ng mga titulo ay nagbibigay sa mga benepisyaryo ng mas matibay na pundasyon para sa kanilang mga tahanan at pamayanan, sapagkat ang mga TCT ay nagsisilbing pormal na katibayan ng kanilang pagmamay-ari sa lupa.
“Ang bawat TCT na ipinagkakaloob natin ngayon ay isang konkretong patunay na ang pabahay ay hindi lamang tungkol sa pagkakaroon ng isang lugar na matitirhan. Tungkol ito sa seguridad, dignidad, at katiyakan ng bawat pamilyang Pilipino na may sariling tahanan silang maituturing nilang kanila,” pahayag ni Kalihim Aliling.
Sinabi rin ng pinuno ng DHSUD na ang paggawad na ito ay sumasalamin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing mas mabilis at angkop ang mga serbisyo sa pabahay ng pamahalaan para sa mga pamilyang Pilipino, kung saan ang Expanded 4PH ay nagbibigay ng mga daan tungo sa ligtas na pagmamay-ari ng lupa at maayos na pamumuhay.
“Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. patuloy po tayong maghahatid ng mga serbisyo sa mga pamilyang higit na nangangailangan. Sa pamamagitan ng Expanded 4PH, nais nating magkaroon ng seguridad sa pananahanan ang bawat pamilyang Pilipino na tunay nilang matatawag na kanila,” diin ni Kalihim Aliling.
Inihayag din ni Kalihim Aliling na ang paggawad ay nagbibigay ng konkretong kahulugan sa tema ng National Shelter Month ngayong taon sa pamamagitan ng pag-uugnay ng seguridad sa lupa sa pagpapatibay ng mga pamilya at pamayanan.
“Ang tunay na diwa ng ating theme ngayong National Shelter month na ‘Tahanan. Pamayanan. Kinabukasan.’ ay nakikita natin sa mga pamilyang matagal nang nangangarap na magkaroon ng seguridad sa kanilang tahanan. Ngayon, ang pangarap na iyon ay may katibayan na sa kanilang mga kamay. Ito ang serbisyong nais nating patuloy na maihatid sa ating mga kababayan,” dagdag pa niya.
Ipinakikita ng paggawad na ito ang patuloy na pagsisikap ng DHSUD at SHFC na tulungan ang mga organisadong pamayanan na makamit ang seguridad sa lupa at umunlad tungo sa isang marangal at ligtas na pagmamay-ari ng tahanan sa pamamagitan ng Expanded 4PH Program.