Iniimbestigahan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pagkamatay ng mga isda sa ilang coastal area sa bayan ng Odiongan sa Romblon.
Giit ng BFAR, masyado pang maaga para iugnay ang insidente sa El Niño phenomenon, taliwas sa naunang assessment ng Odiongan Municipal Agriculture Office.
Ayon kay BFAR Acting Romblon Provincial Fishery Officer Luisito Manes, isolated ang mga napaulat na insidente at nakaranas ang lalawigan ng pag-ulan sa mga nakalipas na araw.
Tinitingnan naman ang posibilidad na illegal fishing, kabilang ang paggamit ng cyanide, ang dahilan ng fish kill.
Samantala, susuriin ng BFAR ang kalidad ng tubig gayundin ang kondisyon ng mga apektadong coastal area bago tukuyin ang dahilan ng fish deaths.
Iniulat ang fish kill sa mga barangay ng Panique, Canduyong, Libertad at Gabawan.