Binatikos ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang pagpasok ng barkong Chinese Maritime Militia 9622 at 22 sampan sa karagatang sakop ng Kota Island noong Oktubre 9.
Ayon sa NTF-WPS, nagsagawa ng ilegal na pangingisda at iniulat na pagtatapon ng basura sa dagat ang mga Tsino.
Lumapit pa ang isang sampan nang 250 metro sa baybayin.
Nang rumesponde ang Philippine Coast Guard, kasama ang Philippine Marine Corps at Navy, pinalibutan umano ng barkong Tsino ang kanilang mga bangka at iginiit na teritoryo ito ng China.
Binigyang-diin ng NTF-WPS na bahagi ng Kalayaan, Palawan, ang Kota Island at sakop ng soberanya ng Pilipinas ang karagatan nito.
Ang parehong barko ay nagdeploy rin ng 24 na sampan malapit sa isla noong Setyembre 28, dahilan upang igiit ng NTF-WPS ang patuloy na pagbabantay. Tiniyak ng task force na patuloy nitong susuportahan ang mga ahensiya ng pamahalaan sa pagprotekta sa teritoryo at karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.