Puspusan ang pakikipag-ugnayan ng Philippine National Police (PNP) sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) gayundin sa mga foreign counterpart nito para paigtingin intelligence gathering at information sharing.
Ito’y makaraang maharang sa mga bansang Laos at Thailand ang humigit kumulang 1.5 tonelada ng iligal na droga na tinatayang aabot sa bilyun-bilyong piso ang halaga at nakatakda sanang ipuslit papasok ng Pilipinas.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr, kaniyang ipinag-utos ang pagpapalakas ng kanilang mga intelligence driven operation upang pigilan ang mga bagong paraan ng mga sindikato ng iligal na droga sa pagdadala ng mga kontrabando.
Giit ni Nartatez, hindi nila hahayaang makapasok ang ganung kalaking bulto ng iligal na droga sa bansa na siyang magpapahina sa kanilang mga naging tagumpay sa kampaniya laban dito.
Hinimok din ng PNP Chief ang publiko na huwag manawang tumulong sa mga awtoridad upang sama-samang matuldukan at tuluyan nang mapalaya ang Pilipinas mula sa banta ng iligal na droga.