Magkakaroon na ng social security protection ang mga job order (JO) at contract of service (COS) workers ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ito ay matapos na lumagda ang ahensya at ang Social Security System (SSS) sa isang Memorandum of Agreement ngayong araw.
Pinangunahan nina MMDA Chair Atty. Don Artes at SSS Executive Vice President for Branch Operations Sector Atty. Antonio Argabioso ang paglagda sa kasunduan.
Ayon kay MMDA Chairman Don Artes, nasa 2,400 manggagawa ng MMDA ang saklaw ng KaSSSangga Collect Program ng SSS.
Aniya, napakahalaga ng programang ito dahil magkakaroon sila ng oportunidad na makakuha ng benepisyo sa kanilang pagreretiro.
Sa ilalim ng kasunduan, magsisilbing Coverage and Collection Partner ng SSS ang MMDA. Ito na ang kokolekta ng buwanang kontribusyon ng mga manggagawa sa pamamagitan ng salary deduction, at ito rin ang magre-remit nito sa SSS.
Bilang self-employed members, makatatanggap sila ng sickness, maternity, disability, retirement, funeral at death benefits, at puwede ring mag-apply sa iba’t ibang loan program ng SSS.
Bukod dito ay may dagdag din silang proteksyon mula sa Employees’ Compensation Program para sa sakit, kapansanan o pagkamatay na may kaugnayan sa trabaho.
Nasa ₱760 ang pinakamababang buwanang kontribusyon para sa self-employed members, habang ₱5,280 naman ang pinakamataas, kasama na ang Mandatory Provident Fund.