Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang malalimang imbestigasyon hinggil sa kung saan at kanino nanggaling ang nadiskubreng bag na naglalaman ng mga bala at pampasabog sa San Juan City, kahapon.
Ayon kay Nartatez, nakatanggap ng ulat ang San Juan City Police Office hinggil sa naturang bag na natagpuan sa Brgy. West Crame sa naturang lungsod, malapit lamang sa PNP Headquarters sa Kampo Crame.
Agad nagpadala ng Explosive Ordinance Disposal (EOD) Team at Special Weapons and Tactics (SWAT) ang San Juan Police para suriin ang mga natagpuang bala at pampasabog.
Bukod dito, sinabi ni Nartatez na nagsasagawa na rin ng backtracking ang pulisya sa CCTV kung saan natagpuan ang naturang bag.
Patuloy namang hinihikayat ng PNP Chief ang publiko na maging mapagmatiyag at huwag mag-atubiling iulat sa kanila ang alinmang kahina-hinalang bagay na makikita sa kanilang komunidad.
Umapela rin si Nartatez, na iwasang magpakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon hinggil sa usapin upang hindi na magdulot pa ng takot at pangamba.