Binigyang-diin ng Department of Budget and Management o DBM ang kahalagahan ng pamumuhunan hindi lamang sa libreng tuition kundi pati sa dekalidad na edukasyon, makabagong pasilidad at kapakanan ng mga guro at kawani ng mga unibersidad.
Sa pagbisita ni DBM Acting Secretary Kim Robert C. De Leon sa University of the Philippines Manila, ipinakita ang mga modernong laboratoryo at training facilities na ginagamit sa pagsasanay ng mga future doctor at nurse bago humawak ng aktuwal na mga pasyente.
Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kinilala rin ang eligibility ng UP Manila para sa Fiscal Year 2024 Performance-Based Bonus o PBB.
Bukod dito, inaprubahan ng DBM ang conversion ng 184 na part-time positions bilang full-time positions upang higit na masuportahan ang mga guro at kawani ng unibersidad.
Ayon sa DBM, mahalagang mapalakas ang suporta sa mga pasilidad at sa mga taong humuhubog sa kinabukasan ng kabataan upang matiyak ang mas mahusay na paghahanda ng mga estudyante at mas dekalidad na edukasyon para sa lahat. Sa huli, hindi lamang ang mga magtatapos na estudyante ang makikinabang dito, kundi pati ang mga pamilyang Pilipino na kanilang paglilingkuran sa hinaharap.