Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagkakaaresto sa 76 na dayuhan sa ikinasang joint operation nito kasama ang Bureau of Immigration laban sa hinihinalang iligal na POGO hub sa Barangay Socorro, Cubao, Quezon City kahapon.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, patunay ang operasyon sa kahalagahan ng pagtutulungan ng mga ahensya sa pagtugon sa mga iligal na aktibidad na may posibleng epekto sa seguridad ng bansa.
Kabilang sa mga naaresto ang 74 na Chinese nationals at dalawang Myanmar nationals na naaktuhan umanong nagsasagawa ng online scamming.
Nahaharap sila sa paglabag sa mga batas sa immigration ng bansa at sa Anti-POGO Act of 2025.
Sa ngayon, sumailalim na ang mga naarestong dayuhan sa inquest proceedings at ipapa-deport. Tiniyak din ng AFP na patuloy nitong susuportahan ang mga hakbang ng pamahalaan laban sa mga banta sa pambansang seguridad alinsunod sa batas.