Pinaalalahanan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga overseas Filipino worker (OFWs) sa Gulf Region, partikular sa Saudi Arabia, na maging maingat sa pagbabahagi ng impormasyon sa social media.
Ito ay sa gitna na rin ng tensyon sa rehiyon matapos ang mga napaulat na pag-atake sa King Khalid International Airport noong Oktubre 10, 2026.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac, mahigpit ang mga patakaran sa Saudi Arabia laban sa pagpapakalat ng maling impormasyon sa social media.
Dahil dito, pinayuhan niya ang mga OFW na iwasang mag-post o magbahagi ng mga hindi kumpirmadong balita, haka-haka, at iba pang impormasyon tungkol sa sitwasyon sa rehiyon.
Nagbabala rin ang DMW na ang paglabag sa mga umiiral na batas sa Saudi Arabia kaugnay ng pagpapakalat ng disinformation ay maaaring magresulta pagkakakulong o deportasyon, depende sa uri ng paglabag at sa naaangkop na batas.