Tuluyan nang inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang 2027 national budget na nagkakahalaga ng ₱7.2 trillion.
Ito ay matapos bumoto ang 282 mambabatas pabor sa House Bill 10858.
Sa kaniyang mensahe bago mag-adjourn ang sesyon, muling iginiit ni Speaker Faustino Dy III na dapat mapunta sa tamang paggagamitan ang bawat sentimong mula sa buwis ng taumbayan, partikular sa edukasyon, kalusugan, at mga programang panlipunan.
Sa bersyong inaprubahan ng Kamara, nadagdagan ng ₱12.23 billion ang pondo para sa sektor ng kalusugan upang makatulong na maibsan ang gastusin ng mga Pilipino sa pagpapagamot.
Naglaan din ng karagdagang ₱10 billion para sa Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk, ₱500 million para sa fertilizer assistance, at iba pang pondo para sa irigasyon, farm-to-market roads at mga programang pang-agrikultura bilang paghahanda sa inaasahang Super El Niño.
Ayon kay Dy, layunin ng mga pondong ito na matulungan ang mga magsasaka at mangingisda na harapin ang epekto ng matinding tagtuyot.
Nanatili namang pinakamalaki ang alokasyon para sa sektor ng edukasyon, na nagkakahalaga ng ₱1.107 trillion.
Matapos ang pag-apruba ng Kamara, ipapasa ang panukalang pambansang budget sa Senado para sa deliberasyon.