Photo courtesy of ASEAN Energy Business Forum
Malugod na tinanggap ng Department of Energy o DOE ang pagpapalabas ng ika-9 na ASEAN Energy Outlook, na naglalayong gabayan ang mga bansa sa Timog-Silangang Asya sa pagpaplano at pagpapaunlad ng sektor ng enerhiya.
Inilunsad ang naturang ulat ng ASEAN Centre for Energy noong Oktubre 8, 2026, sa ginanap na ika-26 na ASEAN Energy Business Forum sa Pasay City, kasabay ng ika-44 na ASEAN Ministers on Energy Meeting.
Ayon sa DOE, magsisilbing batayan ang ulat sa pagbuo ng mga patakaran, paghikayat ng pamumuhunan, at pagpapatupad ng mga proyektong tutugon sa patuloy na pagtaas ng pangangailangan sa enerhiya sa rehiyon.
Kabilang sa mga prayoridad ng Pilipinas ang pagpapalawak ng renewable energy, pagdaragdag ng mga pinagkukunan ng enerhiya, pagpapalakas ng imprastraktura ng kuryente, at pagpapahusay sa episyensiya ng paggamit nito.
Binigyang-diin ni Energy Secretary Sharon Garin na mahalagang maisalin ang mga layunin ng rehiyon sa mga konkretong desisyon, pamumuhunan, at proyektong magdudulot ng tunay na resulta.
Layunin ng hakbang na palakasin ang seguridad sa suplay ng enerhiya, mapanatili ang abot-kayang presyo, at matiyak ang napapanatiling pag-unlad ng sektor ng enerhiya sa Pilipinas at sa buong ASEAN.