Mapang-hamon ngunit mabunga ang naging unang taon ng Office of the Ombudsman sa pamumuno ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla.
Ganito inilarawan ni Assistant Ombudsman, Atty. Mico Clavano ang naging mga accomplishment ng Ombudsman simula ng pumutok ang flood control scandal.
Sa panayam ng programang BOSES, sinabi ni Clavano na nasa 39 na kaso na ang kanilang naihain kung saan mayorya o 35 dito ay napunta sa Sandiganbayan habang ang 4 ay nasa Regional Trial Court.
Naging maigting din ang mga tinawag ni Clavano na “behind the scenes” efforts ng Office of the Ombudsman partikular sa pagpapalakas pa ng kapasidad ng mga imbestigador nito upang maging mas epektibo sa kanilang pagsisiyasat sa katotohanan at mapanagot ang mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.
Ilan sa mga tinutukan ng Ombudsman ay ang pag-update sa proseso ng lifestyle check sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan na isa sa mga key factors upang matiyak na walang nagaganap na anomang anomalya.
Sa tulong ng mga isinagawa at isasagawa pang trainings ng Office of the Ombudsman ay makaaasa ang publiko na mas mapapalakas pa ngayon ang kanilang hanay.
Sinasanay na rin ng Ombudsman ang kanilang mga field investigator at iba pang kawani na totoong sundan ang money trail lalo na’t naglipana na rin ngayon ang iba pang pamamaraan sa money transactions tulad ng crypto currencies upang totoong mapigilan na tuluyan nang mawala ang mga kinurakot na salapi na sana ay nakalaan para sa mga programa at lehitimong proyekto para sa bansa.