Susunod na sa listahan ng mga posibleng kakasuhan ng Office of the Ombudsman ang mga tinatawag na “congtractors.”
Sa panayam ng programang BOSES kay Assistant Ombudsman Atty. Mico Clavano, sinabi niyang naging talamak ang sistema kung saan ang mismong mga mambabatas ang nagsisilbing contractor ng isang proyekto, na aniya ay malinaw na paglabag sa Saligang Batas ng bansa.
Ayon kay Clavano, seryoso ang pamunuan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa pagpapanagot sa mga mambabatas na nagkaroon ng conflict of interest sa ilang proyekto ng pamahalaan.
Giit ng Office of the Ombudsman, hindi basta-basta magsasampa ng kaso laban sa mga “congtractors” kung walang matibay na batayan at ebidensiya.
Sinusuri ng Ombudsman ang mga ebidensiya upang matukoy kung may kinalaman ang mga mambabatas sa mga kompanya at contracting body na may transaksiyon sa pamahalaan.
Nabanggit din ng Ombudsman ang mga anomalya at ang umano’y paggamit ng ilang mambabatas ng sistema ng layering upang maitago ang kanilang posibleng pagkakasangkot sa mga katiwalian.
