Tukoy na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang financier ng 521 kilong shabu na nasabat sa Laos at dadalhin sana sa Pilipinas.
Ayon kay PDEA Spokesperson Atty. Joseph Calulut, natukoy ito ng binuong task group ng PDEA, Philippine National Police (PNP), at iba pang ahensya sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga bank transfer, matapos maaresto si alyas Fahad sa Laos, na siya umanong susundo sa droga.
“Yung financier nitong drug deal na ‘to natukoy na po natin and itong tao ay pulitiko based in the south, taga Mindanao po itong pulitiko na tinutukoy natin,” ani Calulut.
Hindi pinangalanan ng PDEA ang pulitiko, pero ayon kay Calulut, kabilang ito sa partidong kontra sa kasalukuyang administrasyon.
Sa pulitiko umano nanggaling ang perang ipinambayad sa chartered private jet na gagamitin sana sa pagpuslit ng droga, na umabot sa 49,500 dolyar. Habang si alyas Boyet naman ang nagbayad nito sa pamamagitan ng bangko.
Sa ngayon, nagsasagawa na ang PDEA ng case build-up at posibleng makapagsampa na ng kaso sa loob ng ilang araw dahil sa paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9165 o sa pag-trade ng iligal na droga.