Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang mga hakbang para protektahan ang mahahalagang impormasyon, pasilidad, at operasyon nito laban sa posibleng paniniktik.
Kasunod ito ng pagkakaaresto sa 76 na dayuhan sa isang hinihinalang iligal na POGO hub sa Cubao, Quezon City, na malapit sa Camp Crame at Camp Aguinaldo.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., hindi binabalewala ng Pambansang Pulisya ang anumang posibleng banta ng paniniktik.
Sinusuri aniya ang mga umiiral na hakbang sa seguridad para maiwasan ang hindi awtorisadong pag-access sa mga sistema at sensitibong impormasyon ng pulisya.
Sa ngayon, inaalam din ng PNP kung may kaugnayan ang operasyon sa Quezon City sa katulad na ilegal na pasilidad sa Zamboanga Sibugay, kung saan 244 na dayuhan ang naaresto nitong unang bahagi ng buwan.