Photo courtesy of Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP)
Nagbabala ang Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP sa publiko laban sa mga scammer na nagpapanggap na mga opisyal at empleyado ng ahensiya upang makapanloko at makakolekta ng pera.
Ayon sa BSP, gumagamit ang mga scammer ng mga pekeng liham, electronic messages, at identification card na may pangalan, larawan, at pirma ng mga tunay na opisyal.
Sinasabi umano ng mga ito na kailangan ng bayad para mailabas, mabawi, o maibalik ang pera ng mga potensyal na biktima, o kaya ay para sa mga gawaing pangkawanggawa.
Binigyang-diin ng BSP na hindi nanghihingi ng bayad o donasyon ang kanilang mga opisyal at empleyado para sa mga naturang transaksiyon.
Pinayuhan din ang publiko na huwag magpadala ng pera, magbigay ng impormasyong pinansyal, magbukas ng kahina-hinalang link, o mag-download ng mga attachment mula sa hindi beripikadong source.
Para matiyak ang pagiging lehitimo ng mga kahina-hinalang mensahe o dokumento, maaaring direktang makipag-ugnayan sa BSP sa numerong (02) 8811-1277 o sa email na bspmail@bsp.gov.ph. Hinihikayat din ng ahensiya ang publiko na manatiling mapagmatyag upang hindi mabiktima ng panloloko.